-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tagumpay ang “P10 Per Kilo Drive” na isang self-initiative relief operation na inorganisa ng Philippine Youth Rowing Society – Philippine Dragon Boat Team at Ayala Young Leaders Alliance – Baguio-Benguet Chapter para sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa mga coordinators ng donation drive na sina Tata Longanilla at Paul Joseph Nuval, sinabi nila na nagsimula ang kampanya sa isang personal na inisyatibo para tumulong sana sa mga nasabing biktima.

Sinabi ni Longanilla na ang plano ay bibili sila ng mga gulay sa halagang P10 bawat kilo para sa 200 kilo ng mga gulay.

Gayunman, nadagdagan ang dami ng mga gulay dahil sa pledges ng kanilang mga kakilala hanggang sa nakabili sila ng 10-tons ng mga gulay.

Sinabi naman ni Nuval na P90,000 ang gastos nila sa pagbili ng 10-tonelada ng mga gulay habang ang aabot sa 4-tons na iba pang mga gulay ay donasyon ng mga magsasaka ng Benguet.

Aniya, siyam na military trucks ng Northen Luzon Command ng Philippine Army ang pinagsakyan nila ng mga nasabing donasyon kasama na ang mga relief packs nagmula ng Philippine Military Academy at ng isang civic group.

Ipinamahagi aniya ang mga ito sa 16 na mga evacuation centers sa bayan ng Nasugbu, Batangas at sa mga residente ng Cumba sa bayan ng Lian at sa bayan ng Tuy sa Batangas.

Dinagdag pa ni Nuval na bukas silang maging coordinator kung may mga gusto pang magpadala ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano.