Nais ni Taguig-Pateros 1st district Rep. Ricardo Cruz Jr. na mabigyan ng P10,000 ang lahat ng pamilyang Pilipino sa bansa, upang maka-agapay sa nagpapatuloy pa ring COVID-19 pandemic at mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Dahil dito inihain ni Cruz ang House Bill 7698 o ang “Sampung Libong Pag-asa Law” na isang “economic support” sa lahat ng mga pamilyang Pinoy.
Kapag naging ganap na batas, ang kada pamilyang Pinoy na nangangailangan ng “assistance” ay tatanggap ng “one-time cash aid” na P10,000.
Kabilang sa “priority list of beneficiaries” ay ang mga sumusunod:
- Poorest of the poor, o pinaka-mahihirap sa bansa
- Senior citizens
- Persons with disabilities o PWDs
- Solo parents
- Displaced, retrenched o separated, o mga nawalan ng trabaho na mga manggagawa sa panahon ng COVID-19 pandemic, kasama ang mga freelancer; tsuper ng pampublikong transportasyon; may-ari o kawani ng maliliit na negosyo tulad ng sari-sari stores, palengke, food carts at iba pa; mga magsasaka at mangingisda; mga family driver at kasambahay; at sub-minimum workers
- Medical frontliners kasama ang Barangay Health Workers
- Pamilya ng mga Overseas Filipino Workers
- Iba pang hindi nakatatanggap na ayuda mula sa Social Amelioration Programs ng pamahalaan
- Mga Pilipino na mayroong National ID
- At iba pang parte ng vulnerable sector
Para sa epektibo at mabilis na implementasyon ng Sampung Libong Pag-asa Program ang DSWD ay aatasan na magtayo at mag-operate ng hotline, website at mobile application.
Nakapaloob sa panuakala ni Cruz na ang pondong gagamitin para sa nasabing programa ay huhugutin ang budget sa annual General Appropriations Act.