Pinag-aaralan na rin ng PNP ang mga CCTV footages malapit sa bangko na pinasok ng mga armadong kalalakihan kanina sa Binondo, Manila.
Una rito, nag-alok na si Manila Mayor Isko Moreno ng pabuya para sa makakapagturo sa mga suspek.
Kabuuang P1 million ang inialok ng bagitong alkalde para sa ikadarakip sa mga holdaper na nanloob sa Metro Bank Sto. Cristo Branch sa Binondo.
Ayon sa alkalde hindi raw niya papayagan ang panggugulo at pamemerwisyo ng mga masasama ang loob sa lungsod ng Maynila.
Nanawagan na rin ang alkalde sa mga suspek na sumuko at ikanta kung sino ang mastermind sa insidente.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 11, bago mag-alas-9:00 ng umaga nang mangyari ang insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, nasa pitong suspek ang nanloob sa naturang bangko.
Lumalabas na ipinasok sa isang kuwarto at itinali ang mga guwardiya at empleyado.
Wala namang napaulat na nasawi o sugatan sa bangko pero malaki umano ang posibilidad na may nakuhang pera dahil kabubukas pa lamang ng bangko.