-- Advertisements --

Magbibigay ang pamahalaan ng P1 billion sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para itulong sa mga tsuper sa harap ng pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Ang pondong ito ay gagamitin sa ibibigay na cash grants sa humigit kumulang 178,000 bonafide public utility vehicles (PUV) drivers.

Ito ay ibibigay sa kanila hanggang sa katapusan ng taon, sa pamamagitan ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB.

Ang pondong gagamitin para rito ay kukunin sa Fiscal Year 2021 Unprogrammed Appropriations sa ilalim ng Support for Infrastructure Projects at Social Programs.

Magugunita na sa mga nakalipas na linggo ay halos sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng langis, dahilan para hilingin naman ng Department of Energy sa Kongreso ang pagsuspinde sa pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.