-- Advertisements --

Sinimulan nang talakayin ng Social Amelioration Cluster ng House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang P1.5-trillion stimulus program na inihain ng mga lider ng Kamara.

Mismong sina Speaker Alan Peter Cayetano ang siyang naghain ng House Bill 66709 o ang “COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus (CURES) Act”.

Layon ng panukalang ito na gamitin sa loob ng tatlong taon ang P1.5 trillion budget allocation para sa health, education, agriculture, local roads infrastructure at livelihood (HEAL).

Ang naturang halaga ay hahatiin sa tig-P500 billion kada taon simula ngayong 2020 hanggang 2023.

Ang pondong ito ay gagamitin para sa iba’t ibang proyekto mula barangay health centers at municipal at city hospitals hanggang digital equipment para sa testing, “telehealth” services at e-prescriptions gayundin sa post-harvest facilities, bagsakan centers at food terminals.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, gagamitin din ang pondong ito para sa infrastructure projects tulad na lamang ng walking o bicycle lanes, evacuation centers at disaster emergency facilities, at mga kalsada patungo sa tourist spots, bagong business districts o economic zones.