-- Advertisements --
image 56

Sa audit report sa opisina ni Vice President Sara Duterte, ipinakita na 433 security escort ang nagsilbi sa Office of the Vice President sa unang taon nito — isang malaking pagtaas mula sa bilang ng mga security personnel na na-hire noong huling taon ng kanyang predecessor na si former Vice President Leni Robredo.

Kabilang sa ulat ng Commission on Audit noong 2022 ang isang breakdown ng OVP staff, kung saan nagpapakita na ang opisina ay mayroong 433 non-plantilla/detailed personnel sa ilalim ng Vice Presidential Security and Protection Group o VPSPG.

Samantala, sa audit report na nai-post noong 2021 — ang huling taon ni Robredo sa pwesto — ay nagpakita na ang OVP ay mayroong 78 non-plantilla “military detailed personnel.”

Matatandaan na nang maupo si Duterte sa puwesto noong 2022, ang kanyang kahilingan na i-activate ang isang security unit na hiwalay sa Presidential Security Group ay inaprubahan ng Department of National Defense at ng Armed Forces of the Philippines. Sinabi niya na ang VPSPG ay magbibigay ng seguridad at proteksyon sa lahat ng mga bise presidente.