-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Migrant Workers na malapit nang ma-download nang libre ang mga overseas employment certificates (OEC) sa pamamagitan ng isang mobile app.

Hinihintay na lamang ng ahensya ang green light o go signal ng Department of Information and Communications Technology para sa cybersecurity features ng DMW Mobile App.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, ito ay maglalaman ng OFW Pass at isang digital version ng overseas employment certificates.

Ang mga overseas Filipino worker ay kasalukuyang nagbabayad ng P100 para sa nasabing certificate, na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala ng bayad.

Sinabi ni Ople na pinaplantsa na ng departament at ng DICT ang timeline para sa paglulunsad ng application.

Kapag available na ang nasabing app, maaari pa ring i-secure ng mga OFW ang paper version ng overseas employment certificate sa loob ng 2 buwang transition period.

Hiniling ng DMW sa mga recruitment agencies at Filipino community leaders na tumulong sa pagsasanay sa mga OFW sa paggamit ng naturang application.