VIGAN CITY – Malaki ang paniniwala ng secretary–general ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na masuungkit ng boxing team ng Pilipinas ang over-all championship title sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay ABAP secretary–General Ed Picson, sinabi ntong simula pa lamang ay ayaw na nitong magbigay ng prediksyon o haka-haka kung gaano karaming medalya ang masusungkit ng mga atleta ng bansa na sasabak sa boksing sa naturang biennial games.
Subalit sa kabila nito ay tiwala si Picson na ang Team Philippines ang tatanghaling over-all champion sa nasabing event.
Nakahanda at kondisyon aniya para manalo sa kani-kanilang mga kategorya ang mga atletang sasabak sa boxing events.
Bukod dito, sasandal din ang mga manok ng bansa sa mainit na suporta ng mga Pilipinong manunuod sa kanilang bawat laban na makakatulong upang masungkit ang mga gintong medalyang nakataya sa boxing.
Ang mga bumubuo sa national team sa larangan ng boxing ay sina world champion Nesthy Petecio, regional gold medalists Charly Suarez, Eumir Marcial, John Marvin, Marjon Piañar, Carlo Paalam, Josie Gabuco at Irish Magno.