Nakatakdang tumanggap ng 300 security screening officers sa Ninoy Aquino International Airport ang Office for Transportation Security.
Ito ay matapos na pahintulutan ng Department of Budget and Management ang ahensya na tumanggap ng dagdag na 700 na mga screeners sa NAIA.
Ayon kay OTS officer in charge Jose Briones Jr., sa ngayon ay hinihintay na lamang aniya nila ang go signal ng DBM para makapagsimula na sa hiring ng dagdag na 300 mga screeners sa naturang paliparan sa unang bahagi ng taong ito.
Dagdag pa rito ay sinabi rin ng opisyal na umaasa ang kanilang tanggapan na makapag-hire ng aabot sa 400 mga bagong tauhan ngayong taong 2024.
Kinakailangan kasi aniya talaga na dagdag screeners sa naturang paliparan lalo na’t ang bawat checkpoint aniya ay dapat na mayroong pitong personnel na nakatalaga.
Samantala, kaugnay nito ay nagpahayag ng pasasalamat si Briones sa DBM sa pagpayag nito na makapag-hire ang kanilang tanggapan ng dagdag na mga tauhan.