-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagkaroon ng dayalogo sa pamagitan ni Cotabato Governor Nancy Catamco at President Roxas Mayor Jonathan Mahimpit patungkol sa pagtalaga ng President Roxas Community Hospital sa President Roxas, Cotabato bilang COVID-19 isolation facility ng probinsya.

Ito ang laman ng inilabas na Executive Order 37 ng pamahalaang probinsya na nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Barangay New Cebu.

Pinangunahan umano ng ilang barangay opisyal, isang kilos protesta at inihayag ang kanilang pagtutol.

Nagpaliwanag si Mayor Mahimpit na hindi sila nakapaghanda sa nangyaring desisyon at ang pangamba ng mamamayan ay ‘di nila nagawang pigilan.

Aminado ang mayor na agarang silang nagpulong kasama ang mga opisyales ng bayan upang iakyat ang pagtatanung sa gobernadora.

Nilinaw ni Cotabato Governor Nancy Catamco na ang desisyon ay rekomendasyon ng mga doktor at ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) dala na rin ng kinakaharap na sitwasyon ng probinsya.

Dagdag gobernadora na bukas sya sa dayalogo para pakinggan ang hinaing ng mga residente.

Ipinakita ng Municipal Health Officer ang sitwasyon ng mga naninirahan sa Brgy New Sebu sa bayan ng President Roxas at ito ay pinakinggan at naintindihan ni Catamco.

Hiniling ngayon ng gobernadora sa IPHO at Cotabato COVID-19 Task Force sa pangunguna ni Board Member Philbert Malaluan na sikaping mapabilis mapatapos ang bagong gusali ng IPHO upang mairekomenda eto sa DOH bilang isolation facility.

Naglahad naman ng kahandaan ang Mayor ng President Roxas na makipagtulungan sa Gobernadora sakaling kinakailangang gamitin bilang pasilidad ang hospital na nasa kanyang bayan basta siguraduhin lang na protektado ang mga mamamayan sa lugar.

Nangako si Mayor Mahimpit na sya ang magpaliwanag sa mga sumama sa rally at hikayatin ang mga ito na umuwi na sa kanilang kabahayan.

Sa presenya ni PNP provincial director Colonel Maximo Layugan, at mga opisyal ng militar malinaw sa lahat na ang pagtalaga ng isolation facility at naayon sa kautusan ng isinusulong ngayon State of Public Health Emergency laban sa COVID.

Ang anumang pagtutol na ito’y maipatupad at may kaukulang kasong kakaharapin.

Nilinaw ni Catamco na pagsisikapan ng kanyang administrasyon na maipatupad ang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsugpo ng paglaganap ng COVID sa pamamaraang tanggap naman ng mamamayan.