Sumusunod umano ang opisina ni Solicitor General Jose Calida sa mga standards at patakaran na nakapaloog sa 1987 Constitution kaugnay ng paghahain ng State of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa isang pahayag, inulit ni Calida ang sinabi nito sa committee hearing na ginanap sa House of Representatives kung saan nirerespeto raw ng Office of the Solicitor General (OSG) ang mga regulation sa paghahain ng SALN, kasama na rito ang Civil Service Commission declarations.
Mahalaga umano ang SALN sa pagiging transparent ng mga personalidad na nagsisilbi para sa gobyerno alinsunod na rin sa probisyon ng Saligang Batas.
Ipinakita rin nito sa nasabing hearing ang report na nagpapakita ng official manual na pinamagatang “SALN review and Compliance Procedure,” na ginawa upang siguruhin na mahigpit na maipatutupad ang SALN filing.
Nakasaad din sa naturang report na ang sinumang bigo na maghain ng kanilang SALN o lalabag sa anumang probisyon ay maaaring parusahan ng pagkakakulong, suspension, removal o disqualification na humawak na kahit anong posisyon sa public office.
Ibinase ang nangyaring hearing sa House Resolution No. 1392 na inihain ni House Committee on Public Accounts chairperson Rep. Mike Defensor at Rep. Rodante Morente, na naglalayong himayin ang mga batas na tumutukoy sa paghahain ng SALN.