Handang depensahan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang legalidad ng Maharlika Investment Fund law sa kabila pa ng suspensiyon ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa Maharlika Investment Fund (MIF) Act.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra na tumatayong top lawyer ng pamahalaan, hindi pa nito natatanggap ang kopiya ng kautusan mula sa Korte Suprema na nag-aatas sa mga respondents kabilang ang Kongreso, Finance Sec. Benjamin Diokno at Executive Sec. Lucas Bersamin para magkomento sa naturang petisyon.
Paliwanag pa ni SG Guevarra na kapag sinuspendi ang pagpapatupad ng IRR, nakadepende na sa mga petitioner kung nais nilang iatras na lamang ang kanilang petisyon.
Subalit kapag nais naman nilang ituloy pa rin, hindi din sususpendihin ng Kataas-taasang hukuman ang mga proceedings at maghahanda ang OSG na magsumite ng komento nito sa petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng MIF Act.
Kung matatandaan, una ng isinusulong ng mga petitioner kabilang ang mga dating Bayan Muna lawmakers at ni Senate minority leader Koko Pimentel ang pagwawalang bisa sa naturang batas at umapela para ipag-utos ang pansamantalang suspensiyon ng implementasyon ng batas para sa kauna-unahang state sovereign fund ng PH.