Hinimok ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang mga local government units na bumalangkas ng mga ordinansa na magtitiyak na magpapabakuna ang kanilang mga nasasakupan anuman ang brand.
Kasabay nito ay sinabi ng kalihim na maglalabas ang National Vaccination Operations Center (NVOC) ng memorandum na naglalaman ng listahan ng mga “incentives” para sa mga bakunado na kontra COVID-19 at “disincentives” naman para sa mga unvaccinated pa para maresolba ang issue sa vaccine hesitancy sa bansa.
Nanawagan din ang kalihim sa mga gobernador, alkalde, at barangay captains na bumalangkas ng mga ordinansa na susuporta sa “no vaccine preference” policy upang sa gayon ang lahat ng mga sobrang bakuna sa stockpile ng pamahalaan ay magagamit.
Nabatid na mula sa 110 million COVID-19 vaccines na dumating sa Pilipinas mula noong Pebrero, nasa 47 million doses ang nasa warehouses pa rin sa ngayon ng pamahalaan, ayon sa NVOC.
Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DILG na i-monitor ang vaccination program sa local level at tiyakin na ito ay nagagawa sa “most expiditious” na pamamaraan para hindi rin masayan ang mga bakunang ito.