Naglunsad ng “OPLAN 2022” bilang paggunita sa All Souls’ Day at sa pagdiriwang ng Christmas holidays ang Manila International Airport (MIAA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Office of Transportation Security (OTS) sa ilalim ng Department of Transportation at sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang pag-alis ng mga travel restrictions at matagumpay na programa ng pagbabakuna ng gobyerno ay nagsulong ng kumpiyansa sa mga air travelers, gaya ng nakikita sa patuloy na pagtaas ng passenger statistics nitong mga nakaraang buwan.
Dagdag pa ni Bautista na ang total monthly passenger traffic sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay umabot na sa 77 porsiyento ng pre-pandemic levels, o humigit-kumulang tatlong milyong pasahero para sa buwan ng Agosto 2022.
Sa ngayon, ang domestic traffic ay umabot sa humigit-kumulang 109 porsiyento, o 1.94 milyong mga pasahero kumpara sa parehong panahon noong 2019, habang ang international passenger traffic ay nananatiling higit sa 50 porsiyento o 1.06 milyong mga pasahero ng pre-pandemic levels.
Ang international travel ay unti-unting bumabawi, dahil mas maraming destinasyon tulad ng Japan at South Korea ang nag-aalis ng kanilang mahigpit na border restrictions.