-- Advertisements --

Inaresto ng mga tauhan ng PNP – Drug Enforcement Group Special Operations Unit 4 (DEG-SOU 4) ang kanilang sariling opisyal dahil sa estafa at ilegal na pagsusugal.

Sa ulat ng PDEG na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si PLt John Kevin Menes ng PDEG-Police Regional Office 4A, na dating ginawaran ng parangal kaugnay ng kampanya kontra sa ilegal na droga.

Naaresto si Menes habang naglalaro ng e-sabong sa PITMASTERS Live OCBS Nagtahan, sa Ramon Magsaysay Blvd, Sta. Mesa, Manila kahapon.

Ito’y matapos niyang tangayin ang sasakyan ng kanyang tauhan na si Pat Melvin Bojocan Barbo, at isinangla sa halagang 170 libong piso para umano ipang-taya sa e-sabong.

Inireklamo si Menes ng estafa ng pinagsanglaan niya ng sasakyan, matapos itong ma-rekober ng mga pulis.

Napag-alaman na may utang na P15,000 si Menes sa e-sabong operator.

Sa ngayon si Menes ay nasa restrictive custody PRO 4A Camp Vicente Lim dahil umano sa pagkaka-dispalko ng kalahating milyong pisong buy-bust money.