-- Advertisements --

Ipapatawag ng mga komite sa Kamara na nag-iimbestiga sa mga iregularidad sa PhilHealth ang mga opisyal ng 18 ospital na nahaharap sa fraud cases na may transaksyon sa state health insurer.

Ginawa ni Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor ang naturang panawagan sa resumption ng congressional inquiry sa issue sa PhilHealth nitong araw.

Kabilang sa mga ospital na nabanggit ay Abra Provincial Hospital, Baguio General Hospital, Benguet General Hospital, Cagayan de Oro Maternity and Childrens Hospital, Divine Word Hospital, Domingo Casano Hospital, Butuan Doctors Hospital and College, University of Perpetual Help Medical Center, Pines City Doctors Hospital, Quezon City Eye Center, at Pacific Eye Institute.

Sinabi naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na dapat linawin ng PhilHealth kung patuloy na nakatanggap ng mga reimbursement ang mga ospital na ito sa kabila ng pending cases na kanilang kinakaharap.

Mababatid na kamakailan lang ay sinuspinde ng PhilHealth ang kanilang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o “emergency cash advance” sa gitna ng imbestigasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa issue ng korapsyon sa ahensya.