Nakakaranas ang bansa ng kakapusan sa suplay ng bigas sa gitan ng hindi sapat na buffer stock.
Kung saan ang kabuuang stock ng bigas ay hanggang 39 na araw lamang para sa Agosto at 44 days naman sa buwan ng Setyembre kumpara sa 60 hanggang 90-day buffer stock na kinakailangan.
Kayat ayon kay Agriculture Undersecretary for policy planning and regulations Mercedita Sombilla, sinusubukan ng DA na mag-angkat pa ng karagdagang suplay.
Sa panukalang pondo ng ahensiya para sa 2024, tinanong ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chair Stella Quimbo ang DA official kung mayroong kakulangan sa bigas sa tatlong buwang nalalabing pa sa kasalukuyang taon.
Ayon naman kay Sombilla, ang inaasahang imbentaryo ng bigas para sa buwan ng Oktubre ay 63 araw, 80 araw naman para sa Nobiyembre at 59 na araw naman para sa Disyembre.
Inaasahan din ng DA na nasa 7 million metric tons ng local palay production para sa nalalabi pang buwan ng 2023 kabilang ang 2.3 million metric tons para sa ikatlong quarter at 4.7 million MT para sa huling quarter.
Kayat inaasahan aniya na ang presyo ng lokal na bigas ay nasa P45 hanggang P50 kada kilo para sa premium, at special rice.
Inaasahan din na sa nalalapit na anihan sa Oktubre ay bababa pa ang presyuhan ng naturang klase ng bigas.