Nagsampa na ng patong-patong na kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga opisyal at security personnel ng condominium tower sa Quezon City na sinasabing iligal na nagdetine sa tatlong nurse sa loob mismo ng kanilang condo unit.
Kinilala ang mga akusado na sina Mel Tosco, Property Manager at Administrative Head ng Victoria Towers Condominium, Napoleon Briñas, Head Security Management ng San Jose Builders Incorporated, Atty.Jerich Erich Jucaban, Vice President, Security Guard Sadat Macabanding, tatlong John Does at dalawang Jane Does at iba pang mga security guards.
Magugunitang June 29, 2020, nang nakatanggap ng reklamo ang NBI-Special Action Unit mula sa abogado ng mga biktima kaugnay sa alegasyong ikinulong o pinigilang makalabas ng management mga security ng VTC sa kanilang condo unit ang tatlong nurse simula June 22 na tumagal ng mahigit sa tatlong araw.
Reklamo ng mga nurse na ayaw silang palabasin ng management sa kanilang unit kahit nakapagpresenta o nagpakita na sila ng medical clearance na nagsasaad na cleared sila sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) katunayan ay mayroon silang fit to return to work order.
Matapos naberipika ang reklamo ay agad na nagsagawa ng reacue operation ang NBI pero iginiit ng abogado ng VTC management na si Atty.Neneth de Padua na hinihintay pa nila ang barangay clearance bago nila pawalan ang tatlong nurse.
Gayunman ay itinuloy pa rin ng NBI ang rescue operation at nailigtas ang tatlong nurse at inaresto naman si Tosco, habang nakatakas naman si Briñas.
Kasong Serious Illegal Detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code, as amended at Quezon City Executive Order No. 26 o Protection of COVID-19 patients/frontliners from any kind of discrimination ang kinakaharap ngayon ng mga akusado.