-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Iaakyat na sa regular jail ang akusado na umano’y tumatayo na utak ng ‘1K turns to 2K online investment scam na nagsilbing top 1 most wanted person ng Cagayan de Oro City Police Office ng Cagayan de Oro City.

Sinabi ni COCPO spokesperson Maj Evan Viñas na unang naaresto nang pinag-isang operasyon ng tropa ni Carmen Police Station 4 commander Maj Mario Mantala Jr at Zamboanga del Sur PNP ang 24 anyos na dalaga na si Jelie Rose Oredimo dahil sa 33 counts ng large scale estafa mula sa tatlong magkaibang korte nitong lungsod.

Inihayag ni Viñas na unang nagtatago si Oredimo matapos bumagsak ang kanyang pinasimunuan na online investment taking nitong syudad taong 2019.

Sinimulan kaagad ng law enforcement agencies ang paghahanap sa akusado gamit ang inilabas na mga warrant of arrest mula sa tatlong mga korte hanggang natunton ang lokasyon nito sa Purok 1,Barangay Basak,Dominghag,Zamboanga del Sur.

Natuklasan na nasa mahigit-kumulang 3 milyong piso ang umano’y nakulimbad ng akusado dahilan na inutusan ito ng korte na makakalaya lamang kapag makapaglagak ng higit isang milyong piso na piyansa.

Bagamat wala namang pag-angal ang akusado sa mga kaso na isinampa ng kanyang dating investors na umaasa pa rin na maibabalik pa ang kanilang pera.