-- Advertisements --

Magsasagawa ang kampo ni opposition Senator Leila de lima ng isang on line concert ngayong Myerkles bilang paggunita na rin sa ika-apat na taon na anila ay di-makatarungang pagkakulong.

Bilang pagbibigay suporta sa kaniya, muling magsasama-sama ang mahuhusay at kilalang musikero, artista, aktibista, lider at relihiyoso, sa loob at labas ng bansa, para sa isa na namang gabi ng “online community jamming” na pinamagatang “Leilaya! Mga Tinig at Himig ng Paglaya.”

Mapapanood ito ngayong Miyerkules, sa ganap na alas-7:30 ng gabi via livestream sa official Facebook page ng senadora at Free Leila de Lima Movement (FLM) FB page.

Kabilang sa mga magtatanghal sina Ebe Dancel, Bugoy Drilon, Gary Granada, Bituin Escalante, Bayang Barrios, Cookie Chua, Jim Paredes, Agot Isidro, True Faith, mga singer mula Amerika at mga banda mula sa ibang bansa.

Makikibahagi rin dito sina Vice President Leni Robredo, Sen. Frank Drilon, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Kiko Pangilinan, Atty. Chel Diokno, Direk Joel Lamangan, Mae Paner, Pinky Amador, Bishop Broderick Pabillo at marami pang personalidad.

Si De Lima ay kinikilala ng kaniyang supporters na kampeon sa karapatang pantao at pinakamatinding kritiko ng administrasyong Duterte.

Noong Pebrero 24, 2017, ipinakulong si De Lima dahil sa mga kasong tinatawag niyang bogus at batay lamang sa daw sa mga gawa-gawang paratang.

Kamakailan, naabswelto ang senadora at ibinasura ng korte ang isa sa tatlong kaso laban sa kaniya.

Ang online concert ay inihanda ng “Free Leila de lima Movement” (FLM) at ng “Committe for the Freedom of Leila M de Lima (Free Leila Commitee).

Una itong idinaos noong Agusto 27, 2020 na pinamagatang “Leilaya! Tinig at Musika para sa Diwang Malaya” bilang paggunita na rin sa ika-61 kaarawan ng Senadora at nilahukan ng mahigit 70 musikero.