Inirekomenda ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang pagpapatupad ng mas mahigpit na regulation at one-strike policy para sa mga driving school at mga pribadong kumpanya na tumutulong sa mga fixer sa kanilang mga ilegal na aktibidad.
Ito ay matapos na mapag-alaman sa serye ng isinagawang entrapment operations and investigation ng ARTA at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa iba’t-ibang branch ng Land Transportation Office na karamihan sa mga illegal fixing activities ay kinasasangkutan ng sabwatan ng mga empleyado ng (LTO), driving schools, emmission centers, at medical clinics
Sa isang pahayag ay iminungkahi ni ARTA Director General, Secretary Jeremiah Belgica na pansamantala munang suspindihin ang mga driving school at private companies na inirereklamo o napatunayang may ginagawang ilegal na gawain habang nasa ilalim ng imbestigasyon ang mga ito.
Ito ay bilang pagtitiyak na rin na ang mga indibidwal na nagnanais na makakuha ng lisensya ay may kaalaman pagdating sa batas trapiko at ang kanilang mga sasakyan ay maituturing na “roadworthy”.
Samantala, sinabi naman ni Belgica na pormal na nilang naisumite kay DOTr Secretary Arthur Tugade noong Mayo 19 ang naturang rekomendasyon.
Kabilang dito ang mahigpit na pagsisiyasat sa driver’s licese at vehicle registration process, gayundin ang private entity accredidation at verification ng driving school certificates.
Hinikayat naman ng opisyal ang LTO na maglatag na rin ng mga measure na tutukoy naman sa authenticity ng certificates of completion of driving examinations na inaalok ng private accredited entities.










