Inanunsyo ng Office of the Ombudsman na kanilang inisyuhan ng ‘show cause order’ si Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala.
Sa naganap na pulong balitaan, ibinahagi ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na nag-isyu ng kautusan ang Internal Affairs Board ng tanod-bayan sa naturang opisyal.
Bunsod aniya ito sa mga rebelasyon ng umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga sa naganap na pagdinig ng House Justice Committee.
Sa pahayag ni Madriaga sa pagdinig, isiniwalat nito ang umano’y pagdadala niya ng pera kay Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala.
Kung kaya’t dahil sa alegasyon at pagkakadawit ni Quilala maging sa ‘affidavit’ ni Madriaga, ipinagpapaliwanag na ito ngayon ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Assistant Ombudsman Clavano na kanila itong bibigyan atensyon upang patuloy matiyak ang integridad ng opisina.















