-- Advertisements --

Naglabas ng kumento o pahayag ang Office of the Ombudsman ukol sa sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address kahapon. 

Sa opisyal na pahayag na ibinahagi ni Assistant Ombudsman at Spokesperson Atty. Mico Clavano, kinilala ng tanodbayan ang naging ulat ng pangulo partikular sa usapin ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects. 

Ayon sa Ombudsman, ipinagpapasalamat anila ang pagiging malaya ng tanggapan na tuparin ang mandato nito sa konstitusyon at sundan ang mga ebidensya. 

Kung saan maging ang ilang malalapit kay Presidente Marcos Jr. ay hindi umano ligtas at walang pangingialam o impluwensya sa kanilang isinasagawang pag-iimbestiga. 

Binigyang diin ng tanodbayan na ganito dapat gumagana ang pananagutan, walang pabor na hinihingi at wala ring pabor na pinagbibigyan. 

Dahil dito’y iginiit ng Office of the Ombdusman na kanilang ipagpapatuloy ang mga ginagawa nang walang takot o pabor hangga’t may ebidensiyang sinusundan at pinahihintulutan sa ilalim ng batas. 

Kaugnay ang pahayag patungkol sa sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nasa Ombudsman na ang pagsasampa ng kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kahit pa masakit dahil ito’y kanyang pinsan.