Nagtalaga ang Philippine Coast Guard (PCG) ng response team para pigilan ang oil spill na namataan sa dalawang munisipalidad sa Batangas.
Ayon kay Capt. Vic Acosta, commander ng PCG Station Batangas,namataan ang oil spill sa Brgy. 4 sa Calatagan at sa Brgy. Klamias sa Mabini.
Aniya, ang focus ng clean-up operation ay sa Mabini dahil umabot na ang nasabing spillage sa Calatagan.
Dagdag ni Acosta, nagpadala naman sila umano ng response team kaya agad na na-contain ang tumagas na langis.
Hindi naman makumpirma ni Acosta kung saan nagmula ang oil spill o kung galing ito sa motor tanker (MT) Princess Empress na lumubog sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28.
Kung matatandaan, ang tanker ay may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito.
Ang paglubog ng MT Princess Empress ay nagresulta sa isang napakalaking oil spill na umabot sa Batangas, Antique, at Palawan.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang clean up operations sa nasabing lugar upang mapigilan kaagad ang paglawak pa ng epekto ng oil spil sa naturang lugar.