-- Advertisements --

Epektibo ngayong araw ang panibagong umento ng presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes, Hunyo 9, 2026.

Ayon sa Department of Energy, inaasahang maglalaro sa P3.77 hanggang P5.77 ang kada litro ng diesel.

Posible namang bumaba P1.70 o bahagyang tumaas ng P0.30 ang kada litro ng presyo ng gasolina depende sa magiging pinal na anunsyo ng mga oil company.

Samantala, inaasahan ding tataas nang mahigit P6.10 hanggang P8.10 ang kada litro ng presyo ng kerosene.

Hindi pa inilalabas ng ibang kumpanya ng langis ang kanilang final price adjustment sa oras ng paglalathala ng ulat.

Dahil nananatili pa rin ang bansa sa ilalim ng state of national energy emergency, lingguhan ang pagpapatupad ng fuel price adjustments na sinusubaybayan ng pamahalaan.

Samantala, ilang motorista ang nagreklamo sa social media matapos umanong magtaas ng presyo ang ilang gasolinahan bago pa man ang opisyal na araw ng price adjustment.

Wala pang pahayag ang DOE hinggil sa mga reklamong ito.

Gayunman, dati nang pinayuhan ng ahensya ang mga motorista na magsumite ng pormal na reklamo sa pamamagitan ng e-Gov application upang maimbestigahan ang mga ganitong insidente.

May kaunting magandang balita naman para sa mga gumagamit ng LPG.

Inanunsyo ng Regasco ang pagbaba ng presyo ng LPG ng isang piso kada kilo simula ngayong Hunyo 9.

Ayon kay Arnel Ty, dulot ito ng pagbaba ng shipping cost sa pandaigdigang merkado.