-- Advertisements --

ROXAS CITY – Umaaray na ngayon ang mga Pinoy sa Hong Kong dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng alcohol at iba pang hygiene products sa naturang bansa.

Ito ay batay naman sa ulat sa Bombo Radyo Roxas ni Bombo international correspondent Merlie Buño Protacio, tubong Barangay Milibili, Roxas City nakabasi na ngayon sa Hong Kong West Island Resort.

Kasunod ito ng pagkatala ng unang casualty o nasawi dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD).

Ayon kay Protacio, umaabot na ngayon sa 90 Hong Kong dollars o P600 ang presyo ng large-size alcohol, 70 Hongkong dollar o 450 pesos ang small-size, at 45 Hongkong dollar naman ang maliit na alcohol.

Maliban rito ay may bahagyang pagtaas rin sa presyo ng iba pang hygiene products katulad ng hand sanitizers at iba pa.