-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Desididong magsampa ng kaso ang isang Overseas Filipino Worker o OFW mula sa Estados Unidos matapos itong mabiktima ng dalawang investment scams.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Dale, 28-anyos, matapos itong dumulog sa himpilan ay nakapagdesisyon siya na magsampa ng kaso laban sa founder ng Kabus Padatoon (KAPA) na si Joel Apolinario at founder ng Rigen Marketing na si John Rigen.

Ayon kay Dale, hindi basta-basta ang pera na kaniyang inilagak sa KAPA at Rigen dahil kaniyang naibenta ang ipinatayong bahay sa South Cotabato at ang ilang mga lupain matapos maengganyo ng kaniyang mga kaibigan na unang nakapag-invest.

Sa ngayon, naka-pending pa ang balik nito sa US dahil sa mga problemang pinansiyal.

Labis ang kaniyang panghihinayang dahil ilang taon na aniya siyang nagtrabaho sa ibang bansa upang may maipundar, ngunit dahil sa nasilaw ito sa pangakong malaking tubo sa kaniyang in-invest na pera ay nawalang parang bula ang lahat.