LAOAG CITY – Kinumpirma ng Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Sta. Maria, Ilocos Sur pero kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi Arabia, ang pananakit umano sa kaibigan nitong Pinay sa kamay ng mismong agency.

Ayon kay Babylene Viloria, halos isang linggo pa lamang sa Saudi si Evalyn Calma, taga-Dingras, Ilocos Norte, pero inayawan ng kanyang amo kaya isinauli sa agency.

Paliwanag daw ng amo ni Calma na hindi nito nagustuhan ang ginawang pag-picture sa mga anak nito, pero mairiing itong pinabulaanan ng Pinay worker.

Subalit sa paghatid ng amo kay Calma sa agency nito, sinasabing nagalit ang agency kaya sinampal nila ng malakas.

Dagdag ni Viloria na matapos saktan ng agency si Calma ay ibinalik pa rin ito sa kanyang amo at sinabing maghahanap pa sila ng malilipatan ng nasabing OFW.

Sa ngayon, sinabi ni Viloria na hindi pa niya masabi kung nasaan na si Calma dahil ang huling mensahe nito sa kanya ay may tutulong na raw sa kanya at nagpasalamat ito sa kanya.