DAGUPAN CITY — Ikinalugod ng Office of the Civil Defense Region 1 ang aktibong pakikiisa ng publiko sa isinagawang Simultaneous Earthquake Drill na naglalayong maipakita ang mga paghahanda na dapat tandaan sa panahon ng sakuna.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Masudog, Public Information Officer ng nasabing opisina, ibinahagi nito na ang naturang aktibidad ay isang mahalagang hakbangin sa pagpapaalala sa publiko sa kahandaan tuwing may mga lindol.

Kabilang na nga rito ang pananatiling kalmado kapag may mga insidente ng pagyanig sa lugar sapagkat kung magpapanic lamang ay mas lalong hindi maisasagawa ang pinakasimpleng hakbangin kung lumilindol — ang duck, cover, and hold, na nakakatulong naman upang maiwasan ang anumang aberya sa paglikas.

Dagdag pa niMasudog na mahalaga rin na sa panahon ng pagyanig ay may matibay na istraktura o bagay na maaaring masilungan ng publiko upang masigurong hindi sila matatamaan ng mga bumabagsak na debri o pagguho.

Aniya na isa rin sa kahalagahan ng pagsasagawa ng Earthquake Drill ay bilang paghahanda na rin sa posibleng mas malaking sakuna gaya na lamang ng The Big One na maiuugnay sa West Valley Fault, isang malawak na aktibong fault line sa Metro Manila.

Maliban dito ay marami ring aktibong fault system sa Rehiyon Uno gaya na lamang ng West Bangui Fault System, Abra River Fault System, Digdig Fault na malapit sa lalawigan ng Pangasinan, Tubao Fault, at maging ang fault line sa Zambales. Subalit kung mayroon man aniya na maaaring magdulot ng malalang epekto sa rehiyon sa panahon ng pagyanig ay ang Manila Trench sa West Philippine Sea dahil ang Rehiyon Uno ay nakaharap mismo sa nasabing karagatan.

Ito aniya ang mahigpit nilang tinututukang mga fault lines sa bansa lalo na’t malaki ang posibleng pinsalang maidulot nito sakaling magkaroon ng paggalaw sa mga nasabing fault system.

Kaugnay nito ay idiniin naman ng naturang opisyal na ang posibilidad ng pagkakaroon ng tsunami ay tuwing nakakapagtala lamang ng napakalakas na magnitude at mababa ang lalim ng lindol, at gayon na rin kung ang epicenter nito ay nasa mga karagatan.

Kaya naman ay palagi nilang ipinapaalala sa publiko lalo na sa mga nakatira malapit sa karagatan lalo na kung ang magnitude ng lindol ay nasa 6 pataas at kung ang epicenter ng lindol ay nasa dagat ay maaari na itong magdulot ng tsunami.

Aniya na mahalagang obserbahan ang kalagayan ng karagatan at kung may naririnig na kakaibang dagundong na nagmumula sa karagatan ay mas mainam na lumikas na lamang sa mas mataas na lugar upang masiguro ang kaligtasan.