Tinitingnan ng Office of Civil Defense ang posibilidad na i-upgrade ang alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO) Operations Center, kung saan inaasahang maaapektuhan ng Tropical Depression Amang ang malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD), na si Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, maaaring itaas o panatilihin ang alert status sa red or blue.
Dagdag pa niya, isa ito sa paghahanda ng OCD para sa bagyong ‘Amang’.
Sinabi ni Alejandro na magsasagawa rin sila ng pre-disaster risk assessment (PDRA) na tutukuyin ang alert status at ang kaukulang paghahanda nito sa mga apektadong rehiyon at lalawigan.
Sinabi rin ng tagapagsalita ng OCD na patuloy silang magmomonitor at magpapakalat ng mga babala at update kaugnay ng gulo ng panahon.
Bukod dito, hinimok din ni Alejandro ang publiko na patuloy na sumunod sa mga alituntunin ng NDRRMC sa mga posibleng insidente na dulot ng nasabing bagyo.