Wala nang nakikitang dahilan pa ang Office of the Civil Defense (OCD) para i-extend ang isinasagawang pagtulong ng Philippine contingent sa disaster response sa mga biktima ng malakas na lindol sa Turkey.
Ayon kay Office of the Civil Defense spokesperson Assistant Secretary Bernardo Alejandro IV, ngayon ang ika-anim na araw ng mga Filipino rescuers na ipinadala sa nasabing bansa at mayroon pa aniya silang isang linggo para tapusin ang kanilang misyon.
Aniya, hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang isinasagawang pagtulong ng mga ito sa Turkish government pagdating sa search and retrieval operations sa nasabing bansa.
Habang umaabot na rin aniya sa mahigit 250 na mga pasyente ang nalapatan ng lunas ng PH medical team doon.
Dahil dito ay nagpaabot na rin aniya ng lubos na pasasalamat ang mga Turkish authorities na bumisita sa ating PH contingent dahil anila sa assistance na kanilang ibinibigay.
Bukod dito ay iniulat din ng opisyal na sa ngayon ay umaabot na sa apat ng mga labi ang kanilang narerekober ng Filipino rescue teams na naka-assign sa Adiyaman City ng Turkey.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi rin ni Alejandro na kasalukuyan nang inihahanda ng pamahalaan ang cash donation na ipaaabot nito para sa mga biktima rin ng lindol sa bansang Syria.
Sa ngayon aniya ay naghihintay na lamang ng approval ang Department of Foreign Affairs para sa pagpapadala ng cash donation sa nasabing bansa bilang tugon na rin sa naging panawagan nito na dagdag na tulong para sa kanilang mga kababayan.
Hindi na muna ibinahagi ni Alejandro kung magkano ang halagang ipapadala ng Pilipinas sa Syria ngunit sinabi niyang ang pondo nito ay posible aniyang magmula sa Office of the President o sa Departmen of Foreign Affairs mismo.
Samantala, batay naman sa datos, nitong February 6 lamang ay pumalo na sa mahigit 41,000 ang bilang ng death toll sa Turkey at Syria na niyanig ng malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa mga ito.