-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Office of the Civil Defense ang video na nagpapakita na inanunsiyo umano ng liderato ng ahensiya na dumating sa Pilipinas ang military equipment mula sa US at France.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na napag-alaman nilang may inilabas na video hingil sa pagdating umano ng naturang military equipment subalit binigyang diin ng ahensiya na misinformation o disinformation ang nilalaman ng video kung saan isinasangkot ang OCD at si Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Nilinaw din nito na hindi commandant ng Philippine Marine Corps si USec. Nepomuceno at walang pahayag na inilalabas ito o maging ng ahensiya kaugnay sa naturang usapin.

Sinabi din ng OCD na ang mga larawan at video ni USec. Nepomuceno na ipinapakita sa naturang video ay mula sa isinagawang press conference sa paghahanda sa El Nino noong 2023.

Pinaalalahanan naman ng ahensiya ang publiko na tanging sa mapagkakatiwalaan lamang na sources maniwala at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong mga impormasyon.