-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nananatili pa rin umano sa blue alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) hinggil sa patuloy na pananalasa ng Bagyog Falcon sa bansa, lalo na sa extreme Northern Luzon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay OCD spokesman Mark Timbal, sinabi nito na nakaantabay din ang mga national government agencies sa magiging epekto ng bagyo partikular sa mga lugar na maaapektuhan nito.

Sa ngayon aniya, nakahanda na ang libo-libong food packs na ipapamigay sa mga residenteng lilikas dahil sa bagyo.

Patuloy din umano ang paalala ng Philippine Coast Guard sa mga biyahero pati na mangingisda, na huwag munang pumalaot lalo na sa karagatang sakop ng Hilagang Luzon.

Umaasa ang OCD-NDRRMC na hindi malala ang magiging epekto ng bagyo hanggang sa makalabas ito sa bansa sa araw ng Biyernes.

Paalala rin ng opisyal sa mga residente na kung maaari ay makinig sila sa mga babala at paalala, lalo na kung ibinilin na ang agarang evacuation sa kanilang lugar upang maiwasan ang casualty.