BUTUAN CITY – Itinaas na ngayon sa blue alert status ang Office of the Civil Defense o OCD-Caraga upang mas mapadali ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang local government units na apektado ng malawakang mga pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan na hatid ng low pressure area.
Ayon kay OCD-Caraga spokesperson Ronald Anthony Briol, sa pamamagitan nito’y kanilang makukuha ang tamang impormasyon mula sa kanilang mga field offices sa buong rehiyon.
Sa ngayo’y umabot na sa halos 10,000 mga pamilya o halos 25,000 mga indibidwal ang apektado ng mga pagbaha mula sa 44 na mga barangay sa Agusan del Sur at sa Surigao del Sur.
Sa lifeline naman, apat na mga bahay sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur ang totally damaged at isa ang partially damaged.
Anim din sa kanilang mga daan ang hindi na passable pati ang isang tulay dahil pa rin sa grabeng mga pagbaha.