Tinanggal na muna ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang sinisingil na occupational health at safety training fee para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at mga kompanyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa isang statement, sinabi ng DOLE na libre ang mandatory occupational health at safety training simula ngayong taon.
Ang bagong polisiya na ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni Labor Sec. Silvestre Bello III na palakasin pa lalo ang “workplace health and safety” at para na rin bawasan ang pasanin ng mga MSMEs sa gitna ng pandemya.
“We are waiving the training fees being charged to micro and small businesses, and those companies in distress,” ani Bello.
“The workers in those enterprises have to be assured of their safety and health while at the workplace. This is a big factor to their productivity,” dagdag pa nito.
Sa paglalabas ng direktiba patungkol sa Occupational Safety and Health Center (OSHC), binigyan diin ni Bello ang kahalagahan nang pagtitiyak nang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa para mapalakas ang productivity sa unti-unting pagbukas ng ekonomiya.
Ito ay maituturing din aniya bilang tulong na rin sa mga MSMEs na siyang pinakalubhang tinamaan ng restrictions dahil sa pandemya.
Sa ilalim mg OSH law o ang Republic Act No. 11058, mandatory para sa lahat ng mga business establishments na magtalaga at isailalim sa training ang kanilang safety officicers.
Aabot sa P5,500 ang bayad para sa safety training na ito.