-- Advertisements --

Nanawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa mga senador na ibalik ang dignidad, kahinahunan, at integridad sa serbisyo publiko matapos niyang ilarawan bilang nakababahala at nakadidismaya ang mga nagdaang kaganapan sa Mataas na Kapulungan.

Sa kanyang pahayag noong Martes, Mayo 26, binatikos ni Bishop Alminaza ang halos dalawang oras na debate sa Senado kaugnay ng video na ipinakita ni Senador Imee Marcos, at sinabing maaari naman umano itong natapos sa loob lamang ng sampung minuto.

Ayon sa obispo, dapat sana ay nailaan ang oras sa pagtalakay ng mas mahahalagang suliraning kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino tulad ng kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.

Binigyang-diin din niya na ang Senado ay isang institusyong pinagkatiwalaan ng taumbayan at hindi dapat gawing entablado ng personal na bangayan at pulitika.

Aniya, nakalulungkot na sa panahon na maraming Pilipino ang naghihirap, tila mas inuuna pa umano ng ilang mambabatas ang interes sa pulitika kaysa sa kapakanan ng mamamayan.

Hinimok din ni Alminaza ang mga senador na unahin ang mamamayan at gamitin ang kanilang kapangyarihan at panahon para sa kapakanan ng mahihirap at mga nasa laylayan ng lipunan.