-- Advertisements --

Nilinaw ngayon National Vaccination Operations Center (NVOC) ang katanungan ng ilan sa ating mga kababayan kung bakit mauuna ang bakunahan ng booster shot para sa mga kabataang may edad na 12-17 taong gulang na mga immunocompromised.

Ito ay matapos nga na i-anunsyo ng Department of Health (DOH) na naaprubahan na ang rekomendasyon ng Health Assessment Technology Council (HTAC) ang bakunahan ng Pfizer booster shot para sa mga batang kabilang sa nasabing age group.

Ayon kay NVOC chief, Health Usec. Myrna Cabotaje parehong naglabas ng rekomendasyon ang mga kinauukulan para sa bakunahan ng booster shot sa parehong immunocompromised at regular teenagers.

Ngunit dahil aniya sa pagkakaiba nito sa interval ay mas minabuti na rin ng kagawaran na unahin na ang rollout ng booster shot para sa mga immunocompriomised.

Paliwanag ni Cabotaje, 28 days daw kasi ang interval sa pagitan ng 2nd dose at booster shot sa mga batang immunocompromised habang 5 months naman para sa mga regular teenager.

Ngayong araw ang simula ng rollout ng mga booster shot vaccine para sa mga menor de edad na immunocompromised habang sa Biyernes o Sabado naman ng linggong ito posibleng masimulan na rin ang rollout ng nasabing bakuna para sa mga regular teenager na may edad 12 hanggang 17 anyos.

Samantala, muli namang pinaaalahanan ni Cabotaje ang lahat ng mga immunocompromised teenager at mga magulang o guardian nito na tiyaking magdala ng vaccination card, medical certificate, ay parent and child consent upang mapahintulutan naman ang mga ito na mabigyan ng booster shot.

Magugunita na una rito ay ipinahayag na rin Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kasalukuyan pa rin namang binabalangkas ng kagawaran ang guidelines para pa rin sa bakunahan ng booster shot para sa lahat ng mga menor de edad sa Pilipinas.