Tiniyak ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pagbibigay ng provisional authority sa ABS-CBN sa oras na mapaso ang prangkisa nito sa Mayo 4.
Sa pagpupulong ng House Committee on Legislative Franchises, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na susundin nila ang panibagong utos ng Department of Justice (DOJ) na hayaang mag-operate ang Lopez-led broadcast company kahit mapaso ang prangkisa nito.
Subalit ayon kay Cordoba, premature pa kung ngayon na sila maglalabas ng provisional authority sapagkat may existing franchise pa ang ABS-CBN.
Bukod dito, magkakaroon ng legal basis ang paglalabas ng provisional authority kung mag-issue rin ng concurrent resolution ang Kamara para rito tulad ng ginawa ng Senado.
Samantala, inaprubahan na rin ng komite ang kanilang susunding ground rules para sa pormal na pagtalakay ng 11 panukalang batas para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Kabilang dito ang pagkansela sa paglalahad ng sponsorship speech ng mga may-akda ng mga panukala, gawing first-come-first-serve ang pagtatanong sa mga resource persons na lilimitahan naman sa loob lamang ng tatlong minuto.