Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunications companies (telcos) at iba pang concerned service providers na suspendihin ang lahat ng ginagawang network repairs at maintenance hanggang sa darating na Mayo 14.
Ito ay sa bisa ng inisyung memorandum ng NTC kung saan inihayag ng komisyon na kritikal ang papel ng telcos services at supporting infrastructure nito sa gaganaping halalan sa Mayo, 9.
Nakasaad sa naturang memorandum na base sa amended Republic Act No.8436, kailangan ang election results ng Automated Election System ay “electronically transmitted” kaya inaasahan ang pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, accredited citizen’s arms, volunteers, poll watchers, gayundin ng mga kandidato sa halalan ngayong 2022.
Subalit ayon sa NTC, kapag kailangan talaga na magsagawa ng repair at maintenance work, inaabisuhan ang public telecommunication entities, Internet Service Providers, Value-Added Service Providers, at Satellite Service Providers na agad na ipaalam ito sa komisyon hinggil sa uri ng emergency, impact sa serbisyo at mga lugar na apektado kabilang ang timeline para sa restoration o completion.
Kaugnay nito, magtatalaga ang NTC ng isang grupo na standby 24/7 mula Mayo 4 hanggang 14 para makatanggap ng notice mula sa telcos.