Nagsagawa na rin ng inspection ang National Privacy Commission (NPC) sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ukol sa naunang napaulat na hacking sa PhilHealth.
Maalalang una nang naging laman ng balita ang pag-atake ng MEDUSA ransomware sa sistema ng PhilHealth na naging dahilan ng pagpalya sa sistemang ginagamit sa mga transaksyon.
Pinangunahan ng mga information technology officer ng NPC ang naturang inspeksyon.
Ayon sa NPC, nais nilang matukoy ang lawak ng epekto ng pinaghihinalaang data breach sa state insurer upang makagawa rin ng sapat na hakbang bilang tugon dito.
Nais ng komisyon na tiyaking ligtas at hindi apektado ang interest ng mga benepisyaryo, kasama na ang kanilang mga pinagpagurang kontribusyon.
Setyembre-22 nang napaulat ang pag-atake ng MEDUSA ransomware sa PhilHealth.