-- Advertisements --

Nanawagan ng hustisya ang mga magulang ng isang 6-anyos na batang lalaki na nasawi matapos umanong sampalin ng kaniyang guro habang nasa klase noong Biyernes, Agosto 21, 2026.

Batay sa mga ulat, nagalit umano ang guro matapos makitang kulang ang assignment ng bata. Pinalapit umano ng guro ang estudyante, hinila sa kwelyo ng uniporme at saka sinampal.

Habang nakatayo sa harap ng guro, bigla umanong nawalan ng malay ang bata at bumagsak sa balikat ng kaniyang guro.

Agad siyang isinugod sa ospital, ngunit kalaunan ay idineklarang patay.

Ayon sa ama ng bata, malusog at masigla ang kaniyang anak nang pumasok sa paaralan at wala umanong iniindang karamdaman.

Naniniwala ang pamilya na may kaugnayan sa pagkamatay ng bata ang insidente ng pananampal, ngunit hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng kaniyang pagpanaw.

Hindi rin agad nakuha ng pamilya ang labi ng bata dahil isinailalim ito sa imbestigasyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente, kabilang ang mga pangyayari bago at matapos mawalan ng malay ang bata.

Samantala, muling nabigyang-pansin ang usapin ng physical abuse sa mga paaralan sa India, lalo na sa mga batang mula sa mahihirap na pamilya, na kabilang sa mga sektor na itinuturing na mas vulnerable sa ganitong uri ng pang-aabuso.