-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Isasampa na ngayong araw sa pamamagitan ng inquest proceedings ang tatlong iba’t ibang kaso laban sa isang recruiter at revolutional tax collector ng New People’s Army (NPA) na nahuli sa entrapment operation.

Sa ngayo’y nasa kustodiya na ng pulisya sa Cantilan, Surigao del Sur, ang naarestong si Dante Ornilla Urbiztondo, 32-anyos na residente ng Zone 3, Barangay Poblacion sa Lanuza, Surigao del Sur.

Si Dante ay aktibong miyembro ng Guerilla Front Committee 30 ng NPA sa White Area Committee.

Nakuha mula sa kanyang posisyon ang isang caliber .38 revolver, limang round ng mga bala at isang hand grenade, na isinailalim na sa ballistic examinatioon upang magamit bilang mga ebidensya sa mga kasong kanyang kakaharapin.

Kabilang dito ang paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o illegal possession of firearms and ammunition, RA 9208 o anti-trafficking in person, at RA 9516 o illegal possession of explosive and incendiary devices.

Ayon kay P/Major Rennel Serrano, information officer ng Police Regional Office-13 sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, isinagawa ang operasyon matapos dumulog sa Cantilan Municipal Police Station at sa Charlie Company ng 36th Infantry Battallion, Philippine Army sa Cantilan, ang isa sa mga estudyanteng babaeng ni-recruit nito sa Purok-4, Barangay Pag-antayan.