-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinu-turnover na ng mga otoridad sa local government unit ng Gingoog City ang dalawang mga labi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na unang nasawi nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng 58th IB,Philippine Army at combined forces ng Platoon Falcon at SDG Eagles ng North Central Mindanao Regional Committee upang maihatid ito sa direktang mga kaanak sa Misamis Oriental.

Ito ay matapos pahirapan ang pagbaba ng mga sundalo dala-dala ang mga bangkay ng NPA combatants na sina Louie Tayoy Sereno alyas Marmo at Lita Ayuma Serena alyas Mayren mula sa encounter site ng Sitio Haruhay,Barangay Lunotan,Gingoog City ng lalawigan.

Sinabi ni 4th ID spokesperson Maj Franciso Garello Jr na bagamat ikinalungkot nila ang pangyayari subalit sinikap pa rin ng tropa na mabigyan ng pormal na libing ang mga nasawing rebelde kaya dinala ito sa sentro ng syudad para makuha ng mga kaanak.

Narekober mula sa encounter area ang dalawang M-16 rifles ng mga rebelde,improvised explosive device o bomba at ibang kagamitang pandigma na naiwan ng mga tumakas na mga kasamahan nila.

Bagamat iginiit ng 4th ID na walang kahit isa na mga sundalo nila na tumugis sa nasabing grupo ang sugatan o kaya’y nasawi ng maganap ang engkuwentro.