-- Advertisements --

Nasa kustodiya na ngayon ang mga otoridad ang isang umano’y motornapper matapos itong maaresto sa isinagawang operasyon ng pinagsanib-pwersa ng Mambaling Police station at Highway Patrol Group nitong Huwebes, Enero 5, 2023.

Kinilala ang naaresto na si Crismar Otero 29 anyos,residente ng Brgy Kamputhaw Cebu City.

Inihayag ni Cebu City Police Office Director PCol Ireneo Dalogdog na isinumbong ng kapitbahay sa biktima ni Otero na ninakaw ang motorsiklo nitong nakaparada ng isang lalaking may maraming tatoo sa leeg kaya inireport ito sa pulisya.

Isinagawa ang follow-up operation at sa tulong ng CCTV footage ay natukoy ang suspek.

Nang maaresto, ibinunyag naman ni Otero na ibinenta na niya ang motorsiklo sa kasamahan nitong si alyas “Johnny” na nanatili ngayong at large.

Nagresulta naman ang operasyon sa pagkarekober ng anim na mga motorsiklo at pagkilala sa mga may-ari ng mga ito.

Dagdag pa ni Dalogdog na sangkot umano ang suspek sa iilang kaso tulad ng illegal possession of deadly weapon, grave threat.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung may grupo ba ang mga ito o sangkot ba sa iba pang ilegal na aktibidad.

Sasampahan naman ang naarestong suspek ng kasong paglabag sa Anti-carnapping law.