Nagbabala si North Korean leader Kim Jong Un na hindi magaatubili ang kanilang bansa na maglunsad ng nuclear attack sakaling i-provoke ito ng kalaban gamit ang nuclear weapons.
Ginawa ng North Korean leader ang naturang pahayag kasabay ng kaniyang pakikipagkita sa mga sundalong nagtratrabaho para sa missile bureau ng kanilang militar at binati ang mga ito sa paglulunsad kamakailan ng Pyongyang ng intercontinental ballistic missile.
Ang pahayag na ito ng NK leader ay kasunod na rin ng pagpupulong sa pagitan ng South Korea at United States noong nakalipas na linggo sa Washington kung saan natalakay ang nuclear deterrence sakali mang sumiklab ang sigalot sa North Korea.
Kabilang sa agenda ng pagpupulong ng mga opisyal ng 2 bansa ang nuclear at strategic planning at binigyang diin ng magkaalyadong bansa na anumang pag-atake ng North Korea sa Estados Unidos at South Korea ay magreresulta sa pagwawakas ng rehimen ng naturang authoritarian state.
Bilang tugon, naglabas ng statement ang South Korea at Japan kaugnay sa naging pahayag ng North Korean leader na naghihikayat dito na itigil ang pagsasagawa ng probokasyon at tanggapin ang kanilang panawagan para makipag-engage sa isang makabuluhang dayalogo nang walang mga kondisyon.
Una rito, noong Lunes naglunsad ang nuclear-armed country ng pinakamakapangyarihan nitong ballistic missile na Hwasong-18 na inilarawan nitong isang warning counter-measure laban sa patuloy na gawain ng military threat ng Amerika at mga kaalyado nito.