Iginiit ng pulisya sa South Korea na tinangka ng pinaghihinalaang mga hacker ng North Korea na labagin ang isang malaking joint military exercise sa pagitan ng US at South Korea na nakatakdang magsimula sa Lunes.
Ayon sa Gyeonggi Nambu Provincial Police Agency, kinikumpirma ng imbestigasyon ng pulisya na ang North Korea hacking group ang responsable sa pag-atake. Gayunpaman, wala aniyang classified military information ang nakompromiso.
Ang paparating na 11-araw na Ulchi Freedom Guardian summer exercises ay naglalayong palakasin ang kahandaan ng mga kaalyado laban sa mga advanced nuclear at missile threat ng North Korea.
Madalas naman pinupuna ng Pyongyang ang naturang joint drills, na sinasabing ang mga ito raw ay rehearsals para sa pagsalakay sa North Korea.
Kaya naman iniugnay ng nga imbestigador ang pagtatangka sa pag-hack sa isang North Korean group, na kilala naman sa cybersecurity community bilang Kimsuky.
Ang mga cyber attackers ay naiulat na sinubukang makakuha ng access sa pamamagitan ng mga email na ipinadala sa mga South Korean contractors na nagtatrabaho sa South Korea-US combined exercise war simulation center.
Kilala ang naturang grupo ng hackers na Kimsuky dahil sa diskarte nito na “spear-phishing”, kung saan ang mga biktima ay nalilinlang sa pagbibigay ng passwords nito o ‘di kaya ay nahihikayat na mag-click ng malicious attachments o links.
Ayon sa US Cybersecurity and Infrastructure Security Agency noong 2020, ang Kimsuky ay malamang na inatasan ng North Korean regime na may global intelligence gathering mission.
Pinabulaanan naman ng North Korea ang pagkakasangkot sa mga aktibidad ng cyber espionage.