Wala pa raw katiyakan sa ngayon kung kelan maibabalik ang mga flights sa Surigao at Siargao airport matapos labis na masalanta dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, sa ngayon wala pa raw timeline kung kailan puwedeng buksan ang commercial operations ng dalawang paliparan.
Pero sinabi naman ng budget carrier na Cebu Pacific puwede umanong magtagal ang kanselasyon ng mga flights sa Pebrero, 2022.
Sa ngayon ang mga flights mula Manila patungong Siargao ay para sa mga cargo lamang habang ang biyaheng Siargao papuntang Manila ay sweeper flights na magdadala sa mga stranded na mga turista dahil sa bagyo.
Sinabi naman ng CAAP na karamihan daw sa mga paliparan na apektado ng naturang bagyo ay nakakaranas ngayon ng commercial power at telecommunication signal loss.
Para maibalik daw ang communication channels, nagpadala na ang CAAP ng satellite phones sa mga apektadong airports na labis na nangangailangan ng tulong.
Ayon sa CAAP, kabilang din sa mga nagtamo ng pinsala na mga airports pero nananatiling operational ay ang San Vicente Airport, Antique Airport, Bacolod-Silay Airport, Iloilo International Airport, Dumaguete Airport, Maasin Airport at Mactan-Cebu International Airport.
Ang CAAP-operated airports naman na naapektuhan ng bagyony Odette na nananatiling operational ay ang Busuanga Airport, Puerto Princesa International Airport, Bicol International Airport, Caticlan Airport, Kalibo International Airport, Roxas Airport, Bohol-Panglao International Airport, Tacloban Airport, Ormoc Airport at Laguindingan Airport.
Operational din ang Cotabato Airport, Davao International Airport, General Santos Airport at Butuan Airport.
Kung maalala, daan-daang flights ngayon ang kanselado dahil sa naturang bagyo.