Ilang araw matapos ang pagkatalo ni Nonito Donaire Jr, inilabas niya ang nalamang impormasyon na umano’y prediksyon ng sariling ama na matatalo siya sa pamamagitan ng Knock Out sa laban kay Alexandro Santiago.
Ayon kay Donaire Jr, nasasaktan siya sa naging inasal ng kanyang sariling ama.
Ibinunyag din ng batikang boksingero ang umano’y ginagawa ng kanyang ama na pagsasanay sa mga batang boksingero upang talunin lamang siya sa ibabaw ng ring, na dagdag sa aniya’y sakit na nararamdaman.
Gayonpaman, wala umano siyang ibang kahilingan kungdi ang maging masaya ang kanyang tatay.
Sa opisyal na pahayag ng batikang boksingero, sinabi niyang ayaw niyang maranasan din ng kanyang mga anak ang kahalintulad na trato sa kanya ng kanyang sariling ama.
Maliban sa hiling na kasiyahan para sa kanyang ama, hiniling din ng boksingero ang mapayapang buhay para sa kanya.
Maalalang dating nagsilbing coach at trainer ni Nonito Jr. ang kanyang tatay nang nag-uumpisa pa lamang siya bilang bagitong boksingero.
Gayonpaman, nag-iba ang kanilang relasyon hanggang sa tuluyan nang nagkahiwalay ng landas.
Nitong araw ng linggo ang huling laban ni Donaire jr, kung saan tinalo siya ng mas batang si Santiago.