-- Advertisements --

Hindi maaring gamitin ng pamahalaan ang non-disclosure agreements nito sa mga pharmaceutical firms para hindi isapubliko ang detalye sa pagbili ng COVID-19 vaccines dahil issue ito nang national interest bukod pa pera ng bayan ang ginamit dito.

Ginawa ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. ang naturang pahayag matapos na igiit kamakailan ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na hindi nila maaring isiwalat ang presyo nang bawat brand ng COVID-19 vaccine dahil sa umiiral na confidentiality disclosure agreements sa mga gumagawa ng bakuna.

Ayon kay Garbin, karapatan ng publiko na malaman ang anumang impormasyon na may kinalaman sa national interest.

Mababatid na P82.5 billion ang isinantabi ng pamahalaan para sa malawakang COVID-19 vaccination program nito, kung saan P2.5 billion ang manggagaling sa budget allocation ng Department of Health para sa taong 2021, habang P10 billion naman ang manggagaling sa COVID-19 vaccination program ng Bayanihan to Recover as One Act.

Samantala, ang nalalabing P70 billion ay manggagaling naman sa mga loans mula sa mga multilateral lenders, bilateral partners ng bansa, at/o sa domestic market.

Binigyan diin ni Garbin na bagama’t karamihan nang funding para sa COVID-19 vaccination program ay manggagaling sa mga loans, babayaran pa rin naman ito gamit ang buwis na ipinapataw sa publiko.

Kaya hindi aniya maaring isangga rito ang non-disclosure agreement ng gobyerno at mga pharmaceutical companies.