Nakatakdang ianunsyo ng opposition coalition na 1Sambayan ang pinal na listahan para sa kanilang mga nominees sa pagka-pangulo at iba pang national candidates sa Hunyo 12.
Sa isang statement, sinabi ng pro-democracy coalition na gagawin nila ang kanilang announcement para sa kanilang mga nominees sa May 2022 polls sa kanilang Facebook page mula alas-2:00 hanggang alas-5:00 ng hapon sa darating na Sabado.
Ayon kay dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, “unity” o pagkakaisa ang operative word sa kanilang mga hakbang sa kasalukuyan, dahil nais nilang i-consolidate o pagsama-samahin ang kanilang mga boses sa likod ng iisang contender.
Ang mga mapapasama sa final list nila ay dumaan sa selection process ng 1Sambayan, ayon kay Carpio.
Sa kanilang magiging event sa Sabado, sinabi ni Carpio na tatalakayin nila ang kabuuan ng selection process na pinagdaanan ng mga napasama sa shortlist nila.
Ang prosesong ito ay maikukumpara sa primaries na ginagawa sa Estados Unidos kung saan bumuboto ang mga miyembro ng Democratic at Republican parties ng kanilang nominees sa kung sino ang nais nilang kakandidato sa general elections.










